Posibleng may mga online groomer o taong nag-uutos at nag-iimpluwensya sa mga menor-de-edad na sangkot sa mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan, ayon sa National Bureau of Investigation o NBI.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, natukoy ng ahensya ang isang international group chat na umano’y may libo-libong miyembro, karamihan ay mga Pilipino, kasama ang ilang dayuhan.
Sinasabing tinatarget ng grupo ang mga kabataang nasa edad 12 hanggang 19, at hinihikayat umano silang gumawa ng karahasan bilang bahagi ng isang uri ng “initiation.”
Kapag naisagawa ang ipinagagawa, maaari umano silang bigyan ng mas mataas na ranggo o “promotion” sa loob ng grupo.
Sinabi rin ni Matibag na posibleng may koneksyon ang naturang network sa mga kabataang sangkot sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City at Ateneo de Zamboanga University sa Zamboanga City.
Patuloy ding sinusuri ng NBI ang mga video ng mga insidente na ipinakalat online, kabilang ang mga nag-share nito, upang matukoy kung mayroon silang naging papel sa operasyon o pagpapalaganap ng naturang content.
Bilang bahagi ng imbestigasyon, nakatakda ring makipagpulong ang NBI sa Meta, gayundin sa mga opisyal ng pamahalaan at cybersecurity agencies, upang mas mapalalim ang pagtukoy sa mga umano’y online groomer.