Isang suspek sa pagnanakaw ang agad na naaresto ng Batangas City Police matapos umanong mang-agaw ng bag sa isang lalaki sa Batangas City noong September 19.
Batay sa police report, bandang alas-10 ng umaga nang bumili ng pagkain ang biktima sa isang food cart malapit sa NUCITI mall sa Barangay 14. Nilapitan umano siya ng dalawang suspek, kung saan tinutukan siya ng kutsilyo ng suspek na si Eris habang sinuntok naman sa kanang panga ng isang suspek na si Joven.
Sapilitang kinuha umano ng mga suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng pearl jewelry, isang cellphone at cash na nagkakahalaga ng P1,700. Agad silang tumakas matapos ang insidente.
Bandang alas-2 ng hapon ini-report sa Batangas City Police Station ang insidente. Sa follow-up operation, naaresto si Eris, habang nakatakas naman si Joven at dala umano ang mga nakuhang gamit.
Inihahanda na ng pulisya ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa Batangas City Prosecutor’s Office. | BChannel News