Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Gov. Vilma, tinitingnan ang healthcare practices ng Pampanga para sa serbisyong pangkalusugan sa Batangas

Naghanap ng mga bagong ideya para sa serbisyong pangkalusugan ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng pag-aaral sa healthcare system ng Pampanga.

Kasama si Governor Vilma Santos-Recto sa delegasyon na nagtungo sa Clark Freeport Zone, Pampanga ngayong September 25, 2026 para makita ang ilang programa at paraan ng pagbibigay ng health services na maaaring maging reference ng Batangas.

Bago ang formal activity, bumisita si Gov. Vilma sa DOH-Jose B. Lingad Children’s Medical Center para makita mismo ang operasyon at mga serbisyong ibinibigay ng health facility.

Kasunod nito ang benchmarking activity ng dalawang provincial government, kung saan tampok ang presentation ng Pampanga sa kanilang best practices, knowledge sharing at open forum.

Mayroon ding learning visits sa healthcare facilities para mas makita ng Batangas delegation kung paano isinasagawa ang ilang health programs sa actual setting.

Bahagi ang activity ng H, o Health component ng HEARTS Program ng Batangas.

Ang pag-aaral sa ibang provincial healthcare systems ay kasabay naman ng pagpapatuloy ng Batangas sa sariling health infrastructure projects, kabilang ang pagtatayo ng dalawang bagong ospital sa probinsya.

Sa halip na direktang gayahin ang sistema ng ibang lugar, layunin ng benchmarking na matukoy kung anong mga approach ang maaaring iangkop sa pangangailangan ng mga Batangueño.

Kabilang dito ang mga paraan para mas mapalapit, mapabilis at mapahusay ang delivery ng healthcare services.

Umaasa ang provincial government na ang mga bagong kaalaman mula sa Pampanga ay makatulong sa pagpaplano at pagpapaunlad ng mga susunod na health programs at serbisyo sa Batangas. | BChannel news