Itinaas ng St. Frances Cabrini Medical Center Inc. (SFCMC) ang kanilang serbisyo sa Cancer Institute sa pamamagitan ng paglulunsad ng makabagong cancer radiation therapy service, nitong Setyembre 28 sa Sto. Tomas City, Batangas.
Pormal na pinasinayaan ng SFCMC ang dagdag na pasilidad na magbibigay ng malaking ginhawa, partikular sa mga cancer patients sa buong CaLaBaRZon.
Ang Volumetric Modulated Arc Therapy (VMAT) ay isang makabagong teknolohiya para sa radiation therapy na gumagamit ng advanced approach upang maihatid ang radiation at mas eksakto na ma-target ang tumor mula sa iba’t ibang anggulo.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni SFCMC Vice President for Medical Services at Medical Director, Dr. Malen M. Gellido ang pangako ng Cancer Institute simula nang maitatag ito noong 2008.
Ayon kay Dr. Gellido, ang yugtong ito ay higit pa sa simpleng pagpapalit ng kagamitan. Diin niya, nanatili ang commitment ng ospital sa pagbibigay ng moderno, ligtas, tumpak, at may malasakit na serbisyo sa bawat pasyente.
Dagdag ni Dr. Ma. Conchitina O. Mendoza, ang SFCMC Radiation Oncology Department Head, matutulungan ng makabagong teknolohiyang ito ang mga pasyente mula sa iba’t ibang mga karatig na lugar nang hindi na nangangailangan lumayo.
Sa pamamagitan ng VMAT, mas komportable at mas mabilis ang pagsasagawa ng bawat treatment session na posible sa loob lamang ng 5 minuto, sa tulong ng tuloy-tuloy na radiation delivery kung saan umiikot ng 360° ang machine upang maihatid ang radiation sa eksaktong parte ng katawan.
Bahagi rin ng VMAT ang pagkakaroon ng Cone Beam Computed Tomography (CBCT) na nakakatulong sa pagkuha 3D images na mas malinaw at detalyadong imaging. Dahil dito, mas personal at mas ligtas ang paghahatid ng gamutan sa bawat pasyente.
Mas pinalakas din ng SFCMC ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng multidisciplinary consultation kung saan ang mga doktor, pasyente, at kamag-anak ng pasyente ay nagsasama-sama upang pag usapan ang proseso at epekto ng gamutan.
Sa isang pahayag, nagpaalala si Chief Radiation Therapy Technologist Paulo James P. Balatbat na huwag mabahala ang publiko sa epekto ng radiation. Aniya, isa itong makabagong teknolohiya na mas makakatulong sa gamutan ng isang pasyente.
Samantala, ipinaliwanag ni SFCMC Vice President for Administration and External Affairs Dr. Florentino T. Afable ang mas pinalawak na case rate ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na malaking tulong para sa bawat pasyente.
Pinuri naman ni Sto. Tomas City Mayor Arth Jhun A. Marasigan ang mahalagang tagumpay na ito para sa SFCMC. Ayon kay Mayor Marasigan, ang SFCMC ay isang maaasahang katuwang ng lungsod sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa bawat residente.
Sa huli, binigyang diin ng SFCMC na ang tagumpay na ito ay isang simbolo ng pangakong pagbutihin ang pangangalagang ibinibigay sa mga pasyente.
Ang SFCMC ay ang kauna-unahang opsital sa Region IV at buong South Luzon na may VMAT-capable radiation machine para sa mga pasyenteng may kanser. | BChannel News