Opens in a new tab
Skip to content
Livelihood

9 na baboy na ibibiyahe sana pa-Occidental Mindoro, inilibing

Inilibing ang siyam na baboy na ibibiyahe sana patungong San Jose, Occidental Mindoro, matapos masabat sa Milagrosa Animal Quarantine Checkpoint sa Bulalacao, Oriental Mindoro, noong October 6.

Ayon sa Provincial Information Office – Oriental Mindoro, bahagi ito ng mahigpit na hakbang ng mga awtoridad para maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng African Swine Fever o ASF sa lalawigan.

Sa kasalukuyan, walang naitalang kaso ng ASF sa Oriental Mindoro. Gayunman, patuloy ang pagbabantay dahil maaaring maipasa ang virus sa pamamagitan ng infected na baboy at kontaminadong sasakyan, kagamitan, damit at iba pang bagay.

Ipinagbabawal ang pagbiyahe ng mga baboy patungo sa mga lugar na may aktibong ASF upang maiwasan ang posibleng pagdadala ng virus pabalik sa lalawigan sa pamamagitan ng mga sasakyang pangkarga ng hayop.

Kasunod ng pagkakasabat, isinagawa ang disposal sa pamamagitan ng pagbabaon sa siyam na baboy. Ipinapasampa rin ang kaukulang paglabag sa quarantine ordinance laban sa mga responsable sa kanilang pagbiyahe.

Pinangunahan ang aksyon ng Provincial Government sa tulong ng Provincial Veterinary Office, Animal Quarantine personnel, Bulalacao ASF Task Force at Bulalacao Municipal Police Station. | 📸Oriental Mindoro PIO