Patay ang isang 49-anyos na babae matapos saksakin umano ng kaniyang asawa sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Marawoy, Lipa City, Batangas, tanghali nitong Biyernes, October 9.
Batay sa imbestigasyon ng Lipa City Component Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-dose ng tanghali sa kanilang bahay.
Ayon sa salaysay ng kanilang anak, nasa ikalawang palapag siya ng bahay nang magising dahil sa malakas na ingay mula sa unang palapag.
Pagbaba niya, nakita niya ang kaniyang ina na nakahandusay sa loob ng cr at may mga sugat at dugo sa katawan. Nakita rin niya ang kaniyang ama na may hawak na kutsilyo at sinasaksak ang sarili.
Agad humingi ng tulong ang anak sa kanilang kapitbahay, na siyang nag-report sa mga opisyal ng barangay at pulisya.
Rumesponde ang mga awtoridad at inaresto ang suspek. Kapwa isinugod ng Lipa City Disaster Risk Reduction and Management Office o LCDRRMO ang mag-asawa sa Metro Lipa Medical Center para sa agarang gamutan.
Gayunman, idineklarang dead on arrival ang biktima.
Kinilala ang biktima bilang si Clemen, habang arestado naman ang kaniyang 52-anyos na asawang si Rodrigo.
Nangyari ang insidente bandang alas-dose ng tanghali at nai-report sa pulisya bandang ala-una at 45 ng hapon, October 9.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya gayundin ang motibo sa krimen. | BChannel news