Opens in a new tab
Skip to content
Local

GSM taxi driver, viral matapos mahuli sa pagtatapon ng basura sa kalsada

Nakatakdang humarap sa Land Transportation Office o LTO ang isang GSM Taxi driver sa October 15, 2026, matapos siyang makuhanan ng video na nagtatapon ng basura mula sa bintana ng taxi habang nasa pampublikong kalsada.

Sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, agad na nag-isyu ng Show Cause Order o SCO ang ahensya laban sa driver at sa registered owner ng sasakyan.

Inaatasan silang humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office at magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag, kasama ang mga dokumentong susuporta sa kanilang panig.

Bilang paunang hakbang, inatasan ang driver na isuko ang kanyang lisensya para sa 90-day preventive suspension. Inilagay rin sa alarm status ang taxi upang hindi muna ito makapagsagawa ng anumang transaksyon habang dinidinig ang kaso.

Posible ring ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle ang driver sa ilalim ng Section 27(a) ng Republic Act Number 4136, na maaaring humantong sa suspensyon o pagbawi ng kanyang lisensya. Maaari ring maparusahan ang driver o registered owner kung may iba pang paglabag na matutukoy sa imbestigasyon.

Ayon kay Asec. Lacanilao, hindi dapat balewalain ang anumang paglabag sa kalsada, kabilang ang mga kilos na nagpapakita ng kawalan ng disiplina.

Binigyang-diin naman ng LTO na bukod sa pagsunod sa traffic rules at pag-iingat sa pagmamaneho, responsibilidad din ng bawat motorista ang tamang pagtatapon ng basura at pagpapanatili ng kalinisan sa mga pampublikong lugar.