Nagpatupad ng mas mahigpit na seguridad ang Tanauan City Police matapos makatanggap ng ulat tungkol sa online threat laban sa Tanauan City Integrated High School o TCIHS noong October 23, 2026.
Ayon sa pulisya, ini-report ng school principal ang isang threatening post sa social media na nagbabantang sasaksakin ang mga estudyante ng paaralan.
Sa post mula sa isang account na may pangalang “Anonymous participant,” nakasaad ang mensaheng, “sa mga tiga tanauan city high jan handa keyu mamaya iisasahin ko kau saksàkin kayu.”
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon at security assessment ang Tanauan City Police Community Precinct, katuwang ang mga opisyal ng paaralan. Sa loob lamang ng ilang oras, natukoy ng mga imbestigador ang isang Grade 10 student bilang person of interest.
Gayunman, itinanggi ng estudyante na siya ang gumagamit ng Facebook account na sangkot sa naturang post. Ayon sa kanya, may ibang taong gumagamit ng account na nagdadala ng kanyang pagkakakilanlan.
Patuloy pang bine-verify ng mga awtoridad ang pahayag ng estudyante upang matukoy kung sino talaga ang nasa likod ng account at kung sino ang responsable sa pagbabanta.
Samantala, nanatiling nakaalerto ang mga pulis sa paligid ng campus upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang school personnel. Tuloy naman ang klase nang walang aberya.
Pinaaalalahanan ang publiko na i-report agad sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang online post, at iwasang magpakalat ng hindi pa kumpirmadong impormasyon.