Epektibo na ngayong October 26, 2026 ang bagong minimum wage increase para sa private sector workers sa CALABARZON sa ilalim ng Wage Order No. IVA-23. Aabot sa 45 pesos kada araw ang dagdag-sahod, depende sa sektor at klasipikasyon ng lungsod o munisipalidad.
Batay sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board IV-A, magiging 645 pesos kada araw ang minimum wage sa non-agriculture sector sa Extended Metropolitan Area at component cities, mula sa dating 600 pesos. Sa first-class municipalities, magiging 590 pesos ito mula sa dating 550 pesos, habang 550 pesos naman ang bagong rate sa second- hanggang fifth-class municipalities, mula sa 525 pesos.
Para naman sa agricultural workers sa Extended Metropolitan Area, component cities at first-class municipalities, 25 pesos ang dagdag kada araw, kaya magiging 550 pesos ang minimum wage. Sa second- hanggang fifth-class municipalities, 42 pesos ang increase para sa agricultural sector, na magdadala rin sa minimum wage sa 550 pesos.
Sakop din ng 42-peso increase ang retail at service establishments na regular na may hindi hihigit sa 10 empleyado, anuman ang lugar.
Ayon sa Department of Labor and Employment, mahigit 1.56 million minimum wage earners sa rehiyon ang inaasahang makikinabang sa bagong wage order. Kabilang sa CALABARZON ang Batangas, Cavite, Laguna, Quezon at Rizal.
Isinasaalang-alang sa pagtatakda ng bagong sahod ang 4.3 percent average inflation mula October 2025 hanggang August 2026, gayundin ang kalagayang pang-ekonomiya ng rehiyon. Batay sa Philippine Statistics Authority, ang 2025 poverty threshold ay 16,324 pesos kada buwan, o 537 pesos kada araw para sa isang pamilya.
Nagbabala rin ang wage board na maaaring humingi ng technical assistance ang employers at workers kung magkaroon ng wage distortion sa kanilang compensation structure. Ang mga employer na hindi susunod sa itinakdang dagdag-sahod ay maaaring managot sa ilalim ng Republic Act No. 6727, o Wage Rationalization Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 8188.
Samantala, hiwalay na wage order din ang magtataas sa minimum monthly wage ng mga kasambahay sa CALABARZON mula 6,750 pesos tungong 7,500 pesos, o dagdag na 750 pesos kada buwan, simula rin ngayong October 26. | BChannel news