May at least 785 job opportunities sa hospitality industry sa Croatia na bukas para sa mga Pilipino sa ilalim ng government-to-government o G2G recruitment program, ayon sa Department of Migrant Workers o DMW.
Noong October 19, nilagdaan ng DMW at Croatian Employment Service o CES ang implementing guidelines sa Mandaluyong City para masigurong maayos, legal at ligtas ang proseso ng pagkuha ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs.
Kabilang sa available positions ang hotel staff, chefs, waiters at housekeeping personnel.
Siyam na hotel employers mula Croatia ang dumalo sa recruitment activity para personal na i-interview ang mga aplikante at suriin ang kanilang qualifications.
Ayon sa DMW, nasa 943 shortlisted applicants ang nakatakdang sumailalim sa two-day selection at interview process na nagsimula noong October 19.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac na kinikilala ang skills at expertise ng mga Pilipino sa hospitality industry, na patuloy na hinahanap sa international labor market.
Samantala, welcome naman kay Croatian Ambassador to the Philippines Nebojša Koharović ang kontribusyon ng mga Pilipinong manggagawa sa kanilang mga komunidad.
Layunin ng G2G program na palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Croatia at matiyak na may legal, maayos at ligtas na proseso para sa mga Pinoy na gustong magtrabaho sa nasabing European country.