Opisyal nang nagsimula ang Northeast Monsoon o Amihan sa bansa, pero kasabay ng mas malamig na panahon, nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng malalakas na pag-ulan, flash floods, at landslides sa ilang lugar.
Ayon sa weather bureau nitong Martes, October 27, lumalakas ang high-pressure area sa East Asia na nagdadala ng hanging amihan at mas mababang temperatura sa Extreme Northern Luzon.
Inaasahang magiging dominant ang Amihan sa malaking bahagi ng bansa sa mga susunod na buwan, na posibleng magdulot ng cold surges at maalon na karagatan. Gayunman, maaari pa ring makaapekto sa panahon ang shear line, tropical cyclones, at Intertropical Convergence Zone o ITCZ.
Para naman sa inaasahang lagay ng panahon sa Miyerkules, makararanas ng scattered rains at isolated thunderstorms sa Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes dahil sa shear line. Posible ang flash floods at landslides sa mga lugar na makakaranas ng moderate to heavy rains.
Light rains naman ang inaasahan sa Batanes, Apayao, Cagayan, at Isabela. Samantala, isolated light rains ang posibleng maranasan sa Ilocos Region, natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Central Luzon dahil sa Amihan.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, posible ang isolated rain showers dulot ng localized thunderstorms.
Moderate to strong winds at moderate to rough seas naman ang inaasahan sa Northern Luzon at silangang bahagi ng Central at Southern Luzon. Sa ibang lugar, light to moderate winds at slight to moderate seas ang forecast.
Patuloy ding binabantayan ng PAGASA ang El Niño, na inaasahang lalakas at magiging very strong bago matapos ang taon. Sa kasalukuyan, wala namang mino-monitor na low-pressure area na posibleng maging tropical cyclone.