Nagbabala ang PAGASA sa posibleng mas matinding epekto ng Super Typhoon Rosal, na bahagyang lumakas habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa Philippine Sea, east of Central Luzon.
Sa bulletin na inilabas alas-5 ng hapon ngayong October 20, namataan ang sentro ng Rosal, o Champi, sa layong 1,270 kilometers east of Central Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 195 kilometers per hour, gustiness na hanggang 240 kilometers per hour, at central pressure na 935 hectopascals. Kumikilos ito sa bilis na 25 kilometers per hour, habang umaabot hanggang 780 kilometers mula sa sentro ang malalakas na hangin nito.
Nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 ang Batanes, Babuyan Islands, northern portion ng Ilocos Norte, northern at eastern portions ng mainland Cagayan, northeastern portion ng Isabela, at northeastern portion ng Catanduanes. Inaasahan dito ang hanging 39 hanggang 61 kilometers per hour sa loob ng 36 hours, na maaaring magdulot ng minimal to minor threat sa buhay at ari-arian.
Ayon sa PAGASA, posibleng itaas sa Signal Number 2 o 3 ang pinakamataas na wind signal habang dumaraan ang bagyo. Inaasahan din ang malalakas na bugso ng hangin sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong araw hanggang October 22.
Nagbabala rin ang ahensya sa mapanganib na kondisyon ng dagat. Posibleng umabot sa 4.5 meters ang alon sa ilang baybayin ng Catanduanes, Isabela, Cagayan, Batanes at Babuyan Islands. Pinapayuhan ang lahat ng sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot sa mga lugar na may very rough seas.
Batay sa forecast, mananatiling Super Typhoon ang Rosal habang nasa Philippine Sea, at posible pang lumakas. Inaasahang magiging pinakamalapit ito sa Extreme Northern Luzon sa October 22 hanggang 23, bago unti-unting lumiko pahilaga at lumabas sa Philippine Area of Responsibility pagsapit ng gabi ng October 23 o madaling-araw ng October 24.