Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Luistro, magdo-double check sa umano’y P1.3-billion budget insertion

Magdo-double check si Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro sa naiulat na P1.3 billion na umano’y budget insertion na iniuugnay sa kaniyang distrito sa panukalang 2027 national budget.

Ayon sa People’s Budget Coalition o PBC, isa ang distrito ni Luistro sa may pinakamalalaking budget increase, kabilang ang 77 public works projects na nagkakahalaga ng P1.31 billion sa ilalim ng isang Department of Public Works and Highways o DPWH district engineering office na sumasaklaw sa Batangas 2nd at 5th districts.

Giit ni Luistro, hindi siya nakalahok sa budget process dahil sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado. Sinabi rin niyang kailangan niyang beripikahin ang listahan dahil halos kapareho umano ng halagang nakasaad sa orihinal na panukala ng DPWH ang allocation na inaprubahan ng Kamara.

Gayunman, ayon kay Luistro, hindi rin matukoy ng kinauukulang DPWH district office ang batayan ng iniulat na P1.3 billion. Dahil dito, nais niyang makita ang listahan ng PBC upang malaman kung paano naiugnay sa kaniya ang naturang halaga.

Nilinaw naman ng coalition na ang P1.31 billion ay tumutukoy sa halaga ng mga proyektong nakatalaga sa DPWH district office at hindi personal na pondong matatanggap ng mambabatas. Hindi rin ito awtomatikong patunay ng iregularidad.

Samantala, kinuwestiyon ng PBC ang prayoridad ng P7.2-trillion national budget para sa 2027, at iginiit na dapat mas mabigyang-pansin ang healthcare, education, malnutrition, at livelihood assistance.