Opens in a new tab
Skip to content
Local

Mister, patay sa pamamaril sa Sariaya, Quezon; suspek, hinahanap

crime scene do not cross signage

Patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos pagbabarilin sa Purok 7, Barangay Sto. Cristo, Sariaya, Quezon, madaling-araw nitong Oktubre 28.

Batay sa initial report ng Sariaya Municipal Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-1:30 ng madaling-araw, habang natanggap naman ng pulisya ang report bandang alas-2:00 ng umaga matapos ipagbigay-alam ng isang concerned citizen ang pagkakatagpo sa biktima sa gilid ng feeder road.

Sa isinagawang initial investigation, nakita ang lalaki na nakahandusay sa kalsada at may mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa saksi, nakarinig siya ng tatlong magkakasunod na putok ng baril. Nakita rin niya ang isang hindi pa nakikilalang babae na tumatakbo papunta sa harap ng kanyang bahay habang sumisigaw ng, “Yung asawa ko binaril!”

Agad ding umalis ang babae dahil sa takot. Napansin naman ng saksi ang isang hindi pa nakikilalang motorsiklo na walang nakasinding headlight habang papalayo sa lugar patungong Maharlika Highway.

Sa ngayon, nagsasagawa ng follow-up operation ang Sariaya Police para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at mahanap at maaresto ang posibleng suspek.

Humiling na rin ang pulisya ng dragnet operation at assistance mula sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa crime scene processing.

Patuloy ang imbestigasyon sa pamamaril, gayundin ang motibo sa krimen. | BChannel news