Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

P3.5-million worth ng unregistered cooking oil, nasamsam sa Lipa City, Batangas

Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang ₱3.5 million worth ng unregistered at walang label na cooking oil sa isang warehouse sa Barangay Lodlod 1, Lipa City, Batangas, kasunod ng operasyon noong October 27, 2026, bandang alas-2 ng hapon.

Arestado ang isang babaeng empleyado ng warehouse na kinilalang si Cel, matapos umanong mahuling nagbebenta at nakikipagkalakalan ng naturang cooking oil na walang label at hindi rehistrado sa Food and Drug Administration o FDA.

Pinangunahan ng CIDG Batangas Provincial Field Unit ang operasyon kasama ang Provincial Intelligence Unit of Batangas, 1st Batangas Provincial Mobile Force Company, at Lipa City Police Station, sa koordinasyon ng FDA at Lipa City Health Office.

Kabilang sa mga nakumpiska ang storage tanks, containers, at mga bote ng cooking oil.

Ayon sa CIDG, ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 ang paggawa, pamamahagi, at pagbebenta ng mga produktong pagkain na walang kinakailangang FDA registration.

Babala ng mga awtoridad, posibleng magdulot ng panganib sa kalusugan ang mga produktong hindi dumaan sa tamang safety checks, dahil hindi matitiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga ito. Maaari rin itong magkaroon ng mapanganib na contaminants.

Kaya naman, pinapayuhan ang publiko na suriin ang labels at valid FDA registration numbers ng mga binibiling food products, at i-report sa pinakamalapit na CIDG unit ang anumang kahina-hinalang bentahan o ilegal na aktibidad.

Patuloy naman ang CIDG sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na kalakalan upang maprotektahan ang mga mamimili.