Isang public utility jeepney driver sa Lipa City, Batangas ang nagpositibo sa surprise random drug testing na isinagawa ng Land Transportation Office o LTO Calabarzon, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region IV-A, bilang bahagi ng kampanyang Ligtas Undas 2026.
Sa kabuuang 100 public utility vehicle o PUV drivers na sumailalim sa pagsusuri, 99 ang nagnegatibo habang isa ang nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Isinagawa ang operasyon sa mga terminal sa Batangas upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at motorista ngayong Undas, kung kailan inaasahang dadami ang mga biyahero.
Ayon kay LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena, hindi dapat balewalain ang ganitong insidente dahil maaaring malagay sa panganib ang buhay ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada.
Tiniyak din ng opisyal na sasailalim sa kaukulang proseso ang driver, at mananagot sa batas ang sinumang mapatutunayang lumabag.
Ang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pamumuno ni Department of Transportation Secretary Vivencio “Vince” Dizon at LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.
Samantala, sinabi ng LTO Calabarzon na magpapatuloy ang random drug testing, terminal inspections, at road enforcement operations sa buong rehiyon upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ngayong Undas.