Opens in a new tab
Skip to content
Local

Mag-amang 48 at 22 anyos, natagpuang patay sa General Mariano Alvarez, Cavite

crime scene do not cross signage

Kapwa wala nang buhay at may mga bakas ng dugo sa katawan at sahig nang matagpuan ang isang 48-anyos na lalaki at kanyang 22-anyos na anak na babae sa loob ng kanilang bahay sa Pasong Saging A, Barangay Delas Alas, GMA, Cavite, nitong November 8, 2026.

Natuklasan ang mga biktima bandang alas-3:30 ng hapon matapos silang hindi makontak ng kanilang kaanak. Iniulat naman ito sa pulisya bandang alas-5:20 ng hapon.

Batay sa initial investigation, nasa trabaho sa Manila ang asawa ng 48-anyos na biktima nang tawagan nito ang kanyang kapatid at hilinging puntahan ang mag-ama dahil hindi sila sumasagot sa kanyang mga tawag.

Pagdating sa bahay, ilang beses na kumatok at tumawag ang kaanak ngunit walang sumagot. Sinilip at kinunan niya ng video ang loob ng bahay gamit ang cellphone na ipinasok sa bintana.

Nang makita ang paa ng 22-anyos na babae sa sahig, binasag niya ang jalousie window upang makapasok at mabuksan ang pangunahing pinto. Doon niya natagpuan ang mag-ama na nakahandusay at wala nang buhay malapit sa kusina at comfort room.

Sa ngayon, hindi pa nakikilala ang suspek at nagpapatuloy ang imbestigasyon gayundin ang motibo sa insidente.

Humingi na ng assistance ang pulisya sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa crime scene investigation. Patuloy rin ang pagkuha ng pahayag mula sa mga posibleng saksi.