Tinatayang P3,862,400 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo at dalawang sasakyan matapos maaresto ang dalawang lalaki sa isang buy-bust operation sa Barangay Caloocan, Balayan, Batangas nitong November 17, 2026.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office o BPPO, nagkakahalaga ng P2,402,400.00 ang mga nakumpiskang sigarilyo, habang P1,460,000 naman ang pinagsamang halaga ng isang Tamaraw at van.
Kabilang sa mga nakumpiska ang iba’t ibang brand ng sigarilyo gaya ng Red Marshal, Green Marshal, New Berlin, Victor Aguila, Aris, Modern Light, Two Moon at Modern Red.
Kinilala ang mga naaresto na sina Napoleon, 40-anyos, residente ng Bulacan, at Ramon, 36-anyos, residente ng Balayan. Pareho silang driver.
Isinagawa ang operasyon ng Provincial Intelligence Unit, Balayan Municipal Police Station at Regional Special Operations Unit ng RID-4A sa ilalim ng pamumuno ni Batangas Police Provincial Director PCOL Oliver B. Ebora.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Batangas PPO ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 10 at 13 ng Republic Act 10643 o Graphic Health Warnings Law. | BChannel News