Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Ala E! Festival 2026, nakatakdang gawin sa Batangas City sa December 1–8

Mga tourist destinations, natatanging pagkaing Batangueño, cultural performances at iba pang produkto ng lalawigan ang tampok sa walong araw na Ala E! Festival 2026 na gaganapin sa Batangas mula December 1 hanggang 8.

Bahagi ang pagdiriwang ng ika-445 anibersaryo ng pagkakatatag ng Lalawigan ng Batangas, na naglalayong ipakilala at ipagmalaki ang mayamang kultura, kasaysayan, turismo at kabuhayan ng mga Batangueño.

Ngayong taon, ang Batangas City ang magsisilbing host ng festival sa pangunguna ni Mayor Marvey Marino, katuwang si Fifth District Representative Congresswoman Beverley Rose Dimacuha.

Inaasahang magiging bahagi ng selebrasyon ang iba’t ibang cultural presentations, exciting performances, food exhibits at mga aktibidad na magpapakita ng sining, pananampalataya at tradisyon ng mga Batangueño.

Itatampok din ang mga magagandang tourist destinations sa lalawigan, gayundin ang pagiging malikhain at masigasig ng mga Batangueño sa negosyo at paghahanapbuhay.

Sa ilalim ng pamumuno ni Governor Vilma Santos-Recto, layunin ng Ala E! Festival 2026 na pag-isahin ang mga lokal na pamahalaan, iba’t ibang komunidad, negosyo at pribadong sektor sa isang pagdiriwang na nagpapakita ng pagkakakilanlan at pagkakaisa ng lalawigan.

Ayon kay Governor Santos-Recto, mahalagang maipagmalaki ang mga natatanging pagkain, kultura, pamana at higit sa lahat, ang mga mamamayan ng Batangas. Pagkakataon din ito upang makipagtulungan sa iba’t ibang komunidad at sama-samang isulong ang pag-unlad ng lalawigan.

Sa pagdiriwang ng 445 taon ng kasaysayan, inaanyayahan ang publiko na tuklasin ang likas na ganda ng Batangas, maranasan ang mainit na pagtanggap ng mga Batangueño at makilala ang iba’t ibang produkto at atraksyon na ipinagmamalaki ng lalawigan.