Nanganganib sa heatstroke at high blood pressure ang mga mangingisdang ilang oras na nagtatrabaho sa ilalim ng matinding sikat ng araw, kaya isinusulong ni Senator Loren Legarda ang libreng o subsidized first-aid kits para sa kanila.
Ayon kay Legarda, mas delikado ang sitwasyon ng mga maliliit na mangingisda na napapalayo sa pampang upang maghanap ng isda dahil hindi sila agad makakahingi ng tulong medikal kapag nakaranas ng emergency.
Bahagi ito ng ikalimang punto ng kanyang 10-Point El Niño Action Plan na inilunsad noong October 19. Sa ilalim ng panukala, bibigyan ang municipal fisherfolk ng specialized first-aid kits na angkop gamitin sa dagat. Isinusulong din ang pagsama nito sa mga requirement sa pagkuha ng boat license.
Hindi lamang kagamitan ang nais ibigay ng senador kundi pati training upang malaman ng mga mangingisda kung paano makikilala at tutugunan ang sintomas ng heatstroke at iba pang sakit na dulot ng matinding init.
Binigyang-diin ni Legarda na gobyerno ang dapat sumagot sa gastos upang hindi na madagdagan ang pasanin ng maliliit na mangingisda.
Samantala, ayon sa PAGASA noong November 4, inaasahang magpapatuloy ang Very Strong El Niño hanggang unang kalahati ng 2027. Inaasahan din ang temperaturang mas mataas sa normal sa malaking bahagi ng bansa ngayong November.
Kaugnay nito, nanawagan si Legarda sa BFAR, local government units, at mga health at maritime authorities na pag-aralan ang pagpapatupad ng naturang programa upang masiguro ang kaligtasan ng mga mangingisda habang nasa laot.