Magkakaroon ng dagdag na suporta para sa pag-aaral at paghahanapbuhay ng mga out-of-school youth sa Batangas matapos makalikom ng mahigit P2.1 million ang 51st Walk for a Cause ng Batangas Province Alay Lakad Foundation Inc. o BPALFI.
Mahigit 4,000 Batangueño ang nakiisa sa fundraising activity noong November 23, 2026, sa Batangas Province Events Center. Kabilang sa mga makikinabang sa malilikom na pondo ang mga kabataang hindi nakapagpatuloy sa pag-aaral sa pamamagitan ng scholarship at livelihood programs.
Nagbigay rin ng karagdagang P200,000 ang San Miguel Corporation, na kinatawan ni Atty. Mikee Rosales para kay Chairman at CEO Ramon S. Ang.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Governor Vilma Santos-Recto ang kahalagahan ng pagtutulungan upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang kabataan.
Samantala, 13 kandidata ang lumahok sa Ms. Alay Lakad 2026, kung saan itinanghal na panalo si Ginalyn O. Barcelona ng DepEd.
Kinilala rin ang Provincial Government of Batangas bilang Biggest Delegation at ang Department of Education bilang Biggest Contributor.
Ang taunang aktibidad ay bahagi ng ika-51 anibersaryo ng BPALFI na may temang “Hakbang na may Impact: Kabataan at Edukasyon tungo sa Matatag na Kinabukasan.”