Isang lalaki ang paay sa pamamaril matapos barilin ng ‘di pa kilalang lalaki sa Sitio Lagbong, Barangay Mapulot, Tagkawayan, Quezon.
Ayon sa imbestigasyon ng Tagkawayan Municipal Police Station, bandang alas-siyete ng gabi nitong Setyembre 8, habang pansamantalang nagpapahinga at sumilong sa isang abandonadong bahay dahil sa malakas na ulan ang biktimang si Anthony, bigla itong binaril ng hindi pa nakikilalang suspek.
Tinamaan ang biktima sa may panga o ibabang bahagi ng tainga na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Agad namang nakatanggap ng tawag ang Tagkawayan MPS mula sa pinsan ng biktima na si Alvin bandang alas-otso y medya ng gabi. Dahil dito, rumesponde ang mga pulis at tinungo ang lugar ng insidente upang magsagawa ng imbestigasyon.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek patungo sa kabundukan ng Barangay Mapulot dala-dala ang ginamit na armas.
Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng Tagkawayan PNP upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek gayundin ang motibo nito. | BChannel NEWS