Iminungkahi ni Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste sa Department of Public Works and Highways o DPWH na pwedeng kanselahin o i-reprice ang P1.6 Trillion na ongoing at upcoming projects para makapag-save ng P400 Billion—o higit P1 Billion kada araw—para pondohan ang priority health at education programs ng gobyerno.
Ang panukala ni Leviste ay kasunod ng termination ng DPWH Region IV-A sa P95.99 Million Lemery flood control project noong June 2025, na inaward sa Omnicon Builders.
Ayon kay DPWH Regional Director Jovel Mendoza, kinansela ang kontrata dahil sa pagbabago ng government policy sa flood control projects at hindi babayaran ang contractor dahil bagong-awarded pa lang at pwedeng ilaan sa ibang proyekto.
Noong Agosto, inusisa ni Leviste at ng Lemery LGU ang project dahil walang coordination sa LGU, walang building permit, at hindi aligned sa flood control master plan ng bayan. Natuklasan din na ang ilang sheet piles ay kalahati lang ng nakatakdang sukat. Dahil dito, inalis ang mga piles at iniwan ng contractor ang proyekto.
Pinapahintulutan ng Government Procurement Reform Act at DPWH contracts ang “Termination for Convenience” kung ang proyekto ay economically, financially, o technically impractical, at walang penalty sa gobyerno. Pwede rin ang “Termination for Unlawful Acts” kung may illegal practices ang contractor.
Sinabi ni Leviste na puwede ring i-recompute ang Detailed Unit Price Analysis o DUPA para sa mas mababang presyo ng mga susunod na DPWH projects. Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, puwede itong ibaba ng “at least 10 percent,” at posibleng mas malaki pa.
Gamit ang halimbawa ng Lemery flood control project, iminungkahi ni Leviste na gamitin ang grounds para sa termination at DUPA reduction sa over P1 Trillion na ongoing projects ngayong 2025, at sa P600 Billion na nakaplano para sa 2026. Kung makakatipid ng average 25%, posibleng makapag-save ang gobyerno ng P400 Billion.
Ayon kay Leviste, “DPWH is spending on overpriced projects every day, losing over P1 Billion kada araw. Kaya nasa kapangyarihan nila na itigil ang pag-aaksaya ng pera ng gobyerno ngayon.”