Muling nanawagan si Navotas Representative Toby Tiangco sa Department of Foreign Affairs na kanselahin ang passport ng nagbitiw na kongresistang si Zaldy Co, na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita sa publiko simula nang masangkot sa kontrobersyal na flood control probe.
Sa isang press conference ngayong Biyernes, Oktubre 17, iginiit ni Tiangco na may kapangyarihan naman ang DFA na kanselahin ang pasaporte ni Co kahit walang court order.
Aniya, “Kapag dumating sa punto na kailangan siyang pabalikin at hindi siya mapabalik, huwag nating subukan ang pasensya ng tao.”
Dagdag pa ni Tiangco, baka tuluyang magduda ang publiko sa sinseridad ng imbestigasyon kung hindi agad kikilos ang mga may awtoridad.
Pero ayon sa DFA, nakasaad sa New Philippine Passport Act na maaari lamang kanselahin ang passport kapag may court order, kung ang may-ari ay fugitive o may hatol sa kasong kriminal, o kung mapatunayang peke o fraudulently issued ang dokumento.
Samantala, matatandaang sinabi ng Malacañang na maghahain ang Department of Justice ng request sa Interpol para sa blue notice laban kay Co, upang matukoy ang kanyang kinaroroonan matapos itong umalis ng bansa habang iniimbestigahan ang umano’y anomalya sa flood control projects ng DPWH.
Si Co, dating chairman ng House Committee on Appropriations, ay sinasabing tumulak papuntang Estados Unidos para magpagamot, ngunit ayon sa ulat, nakitang pumasok sa Singapore noong Setyembre 16 at umalis patungong Madrid, Spain noong Setyembre 24.
Si House Speaker Faustino Dy III ay una nang binawi ang kanyang travel clearance noong Sept. 18 at inutusan siyang bumalik sa Pilipinas sa loob ng sampung araw pero hanggang ngayon hindi pa nakikita ang anino nito. | via BChannel news