Arestado ang isang lalaki matapos umanong pasukin ang bahay ng kanyang dating live-in partner sa Barangay Cawit, Taal, Batangas nitong Oktubre 24, 2025.
Kinilala ang suspek na si Lex, 38-anyos, residente ng Agoncillo, Batangas, habang ang biktima ay si Jem, 28-anyos.
Ayon sa Taal Police, bandang alas-12:05 ng madaling-araw nang umakyat sa bintana ang suspek at sapilitang pumasok sa bahay ng biktima habang ito ay natutulog.
Dahil sa takot, nagkulong si Jem sa kanyang kuwarto at agad humingi ng tulong sa mga kaibigan. Tumugon ang mga pulis at naabutan sa lugar ang suspek, kung saan narekober din ang isang M-16 rifle na itinago umano sa kanyang motorsiklo.
Lumabas din sa imbestigasyon na nagsama bilang live-in partners sina Jem at Lex mula Agosto 2023 hanggang Setyembre 2025, ngunit naghiwalay matapos ang paulit-ulit na pananakit at pagbabanta ng lalaki gamit ang baril.
Nahaharap ngayon si Lex sa kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. | BChannel news