Inanunsyo ng BATELEC I na may pagbaba sa residential power rate para sa buwan ng Oktubre 2025.
Ayon sa pinakahuling anunsyo, bumaba ang singil sa kuryente sa P9.7297 kada kilowatt-hour (kWh), o may kabuuang bawas na P0.1821 kumpara sa P9.9118/kWh noong Setyembre.
Ibig sabihin, kung ang konsumo ng isang bahay ay nasa 200 kWh kada buwan, maaaring makatipid ng halos P36 ngayong Oktubre.
Bukod dito, bumaba rin ang low voltage rate ng P0.1821, at maging ang higher voltage rate ay nabawasan din ng P0.1395.
Ayon sa Batelec, ang pagbaba ng singil ay bunsod ng pagbaba ng generation charge o ang bayad sa mismong nabiling kuryente na umabot sa P0.1207.
Bumaba rin ang transmission charge o ang bayad sa paggamit ng linya ng NGCP ng P0.0426, pati na rin ang system loss charge ng P0.0189, na bahagi ng mga singil na itinatakda ng batas.