Himas-rehas ang dalawang babae matapos maaktuhang manghablot ng gintong alahas sa parking area ng St. Raphael Archangel Parish Church sa Barangay Poblacion 3, Calaca City, Batangas nitong October 24, 2025.
Kinilala ang mga suspek na sina Melda, 62 anyos, residente ng Congressional Village, Barangay Torro, Quezon City, at Marites, 54 anyos, residente naman ng Barangay Parada, Valenzuela City.
Batay sa imbestigasyon ng Calaca City Police, dakong alas-10:30 ng umaga nang maaktuhan ang dalawang suspek na magkasabwat sa pag-agaw ng gintong kuwintas ng biktimang si Silvia, 77 anyos, mula sa Barangay San Isidro, Lemery, Batangas. Ang naturang alahas ay tinatayang nagkakahalaga ng P60K.
Ayon sa pulisya, mabilis na humingi ng tulong ang apo ng biktima na siyang nakasaksi sa insidente.
Agad namang rumesponde ang mga pulis na sina PSSg Jayson Ortizo at Pat Jeffrey Sta. Ana na noon ay nagpa-patrol sa lugar. Narecover mula sa mga suspek ang ninakaw na kuwintas.
Sa ngayon, inihahanda na ng Calaca Police ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong Theft laban sa mga suspek sa Office of the City Prosecutor..| BChannel news