Sa kulungan ang bagsak ng isang security guard matapos magpaputok umano ng baril nang walang dahilan sa Barangay Cupang, Bauan, Batangas, nitong Oktubre 26, 2025.
Kinilala ng Bauan Municipal Police Station ang suspek bilang si Marlon, 33 anyos, at residente rin ng nasabing barangay.
Ayon sa pulisya, nakatanggap ng tawag ang mga pulis mula sa isang concerned citizen na nagsabing may lalaking nagpapaputok ng baril sa lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na binunot ng suspek ang kanyang baril, itinutok ito sa lupa, at nagpaputok ng dalawang beses nang walang malinaw na dahilan.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Bauan Police at dinakip ang suspek.
Narekober mula kay Marlon ang isang caliber 9mm Armscor na baril na may serial number, may nakasalpak na magasin at limang bala, gayundin ang dalawang basyo ng bala mula sa pinangyarihan. | BChannel news