Isang inuman ang nauwi sa madugong insidente ng pananaksak sa Barangay Silangang Bukal, Liliw, Laguna pasado alas-9:30 ng gabi nitong November 4.
Sa ulat ng Liliw Municipal Police Station, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek habang nag-iinuman. Nauwi ito sa pananaksak ng suspek gamit ang di pa matukoy na patalim.
Kinilala ang nasawi na si Paul, 24 anyos, isang magsasaka at residente ng naturang barangay. Isinugod pa siya sa Majayjay District Hospital pero idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong mga saksak at sugat.
Patuloy naman ang hot pursuit at manhunt operation ng pulisya laban sa suspek na si Agosto, residente ng Barangay Ibabang San Roque, Liliw, na ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad.
Inaalam na rin ng mga awtoridad ang motibo sa naturang krimen.