Palakas nang palakas ang bagyong Fung-Wong (Uwan) habang kumikilos ito pa-Northwest malapit sa Yap, Micronesia, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.
Huling namataan ang sentro nito sa layong halos 1,690 kilometro silangan ng Hilagang-Silangang Mindanao, nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility o PAR.
Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna, at bugso na hanggang 90 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pa-Northwest sa bilis na 10 kilometro bawat oras. Inaasahang papasok sa PAR ang bagyo bukas ng gabi o Sabado ng madaling-araw at kapag nakapasok na, papangalanan itong Uwan.
Batay sa forecast, posibleng lumakas pa ito bilang isang ganap na bagyo bukas at maging super typhoon pagsapit ng Sabado. May posibilidad din na mag-landfall ito sa Northern o Central Luzon sa Lunes.
PAGASA ay nagbabala na maaaring itaas ang Storm Signal No. 1 hanggang No. 5 sa mga lugar sa silangang bahagi ng Luzon at Samar sa susunod na mga araw.
Asahan na rin ang malalakas na hangin, matinding pag-ulan, at panganib ng storm surge pagsapit ng Linggo hanggang Martes. | BChannel News