Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa loob ng 30 araw ang tatlong unit ng isang bus company matapos masangkot ang isa nitong pampasaherong bus sa malagim na aksidente sa Juban, Sorsogon noong May 11.
Dalawang sakay ng pribadong sasakyan ang nasawi habang siyam na iba pa ang malubhang nasugatan sa banggaan na nangyari sa bahagi ng Maharlika Highway sa Barangay Rangas.
Sa kuhang dash cam ng isang sasakyan, makikita na habang binabaybay ng SUV ang naturang kalsada sa palikong bahagi ay biglang napalipat ito sa kabilang linya ng bus kung saan nangyari ang salpukan.
Naglabas na rin ng show cause order ang LTFRB laban sa kumpanya upang ipaliwanag nito kung bakit hindi dapat patawan ng dagdag na parusa kaugnay ng insidente.
Kasama sa iniimbestigahan ang kondisyon ng driver sa oras ng aksidente, kabilang ang pisikal at mental na kalagayan nito, pati na rin ang maintenance records, roadworthiness, at insurance status ng naturang bus.
Layunin din ng ahensya na masigurong agad na mapoproseso ang posibleng insurance claims ng mga biktima.
Pinagpapaliwanag din ang driver habang itinakda ang pagdinig ng kaso sa Hunyo a-1 sa Legazpi City.
Ayon sa LTFRB, posibleng humarap sa mas mabigat na parusa ang kumpanya kapag hindi ito sumunod sa kautusan ng ahensya.