Mas naramdaman ng mga mamimili sa CALABARZON ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo nitong Abril 2026 matapos umakyat sa 7.5 percent ang inflation sa rehiyon, ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA CALABARZON.
Mas mataas ito kumpara sa 4.2 percent noong Marso at 1.7 percent sa parehong buwan noong nakaraang taon, indikasyon ng mas mabilis na paggalaw ng presyo sa iba’t ibang pangunahing pangangailangan.
Ayon sa PSA, malaking dahilan ng pagtaas ang transportasyon, na pumalo sa 18.9 percent inflation dahil sa mas mataas na gastos sa biyahe at kaugnay na serbisyo. Kasunod nito ang pagtaas sa housing, tubig, kuryente, gas at iba pang fuel, habang patuloy ding gumalaw paitaas ang presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages.
Sa hanay ng pagkain, kabilang sa mas tumaas ang presyo ang bigas, isda, prutas, tinapay, at ilang ready-made food products. Maging gulay, na dating bumababa ang presyo noong Marso, ay nakapagtala rin ng pagtaas nitong Abril.
Sa talaan ng mga lalawigan, Laguna ang may pinakamataas na inflation rate sa rehiyon sa 8.4 percent, sinundan ng Rizal, Quezon, Cavite, Lucena, habang Batangas ang may pinakamababa sa 5.2 percent—ngunit mas mataas pa rin kumpara sa nakaraang buwan.
Ibig sabihin nito, mas lumiit ang kayang bilhin ng piso, kung saan ang purchasing power of peso ay nasa 73 centavos na lamang kumpara sa halaga nito noong 2018.