Tatlong drug suspects ang naaresto ng mga tauhan ng Calaca Component City Police Station sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Calaca City, Batangas.
Unang operasyon, pasado alas-10 ng gabi noong November 6 sa Barangay Bagong Tubig, kung saan nahuli ang street-level drug suspect na si Judith.
Nakuha sa kanya ang isang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng halos 0.17 gramo, may halagang mahigit isang libong piso, buy-bust money, at isang motorsiklo.
Sumunod naman, bandang alas-12:45 ng madaling-araw, November 7, sa Barangay Poblacion 4, naaresto rin sina Cinderlene at Enjelbert matapos bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Narekober ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.10 gramo at halagang P600, pati ang buy-bust money.
Ang mga operasyon ay isinagawa ng Calaca City Drug Enforcement Team sa ilalim ng koordinasyon ng PDEA.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.