Isang babae ang natagpuang patay matapos umano malunod sa kasagsagan ng Bagyong Uwan sa bahagi ng Sitio Riverside, Barangay Cawongan sa Padre Garcia, Batangas bandang alas-otso ng umaga noong Nobyembre 10, 2025.
Ayon sa imbestigasyon ng Padre Garcia Municipal Police Station, naganap ang insidente sa kasagsagan ng bagyong noong Nobyembre 9. Habang naghahanda ang pamilya ng biktima laban sa malakas na hangin at ulan, tinali umano nila ang mga pintuan ng bahay upang hindi bumukas. Ngunit sa hindi malamang dahilan, nakatakas ang biktima sa pamamagitan ng likurang pinto.
Base sa pahayag ng mga kamag-anak, ang biktima ay matagal nang nakararanas ng depresyon. Isinagawa ng mga pulis at mga tauhan ng barangay ang agarang paghahanap, ngunit kinabukasan ay natagpuan na lamang itong wala nang buhay sa isang bakanteng lote na puno ng tubig at tinutubuan ng mga water lily. Ang nakadiskubre ay si “Simplecio,” na pinsan mismo ng biktima.
Sa panayam naman sa ina ng nasawi, sinabi nitong matagal nang may dinaramdam ang kanyang anak at naniniwala siyang nalunod ito dahil sa kanyang kalagayan. | BChannel news