Isang 32 anyos na lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa gilid ng kalsada sa Purok 6, Mangahan Street, Barangay Ambulong, Tanauan City, Batangas bago maghatinggabi nitong Pebrero 10.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Welvin, isang magsasaka at residente ng nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon ng Tanauan City Police Station, alas-11:45 ng gabi nang matagpuan ang biktima na nakahandusay sa kalsada at duguan ang ulo. Nadiskubre ito ng isang residente na agad nag-report sa barangay.
Bandang ala-1:30 ng madaling araw ng Pebrero 11 nang makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa opisyal ng barangay kaugnay ng insidente. Agad namang rumesponde ang mga imbestigador upang magsagawa ng masusing pagsisiyasat.
Sa tabi ng biktima ay natagpuan ang isang itim na helmet at isang motorcycle na may plakang N221RN na pinaniniwalaang minamaneho niya. Sa isinagawang pag-iinspeksyon sa lugar, nakarekober ang mga awtoridad ng dalawang basyo ng bala.
Humingi na ng tulong ang pulisya sa SOCO para sa masusing pagproseso ng crime scene. Patuloy rin ang pagre-review ng mga CCTV camera sa paligid upang matukoy ang responsable sa krimen. | BChannel news