Arestado ang isang Provincial Most Wanted Person sa isinagawang manhunt operation ng pulisya nitong Pebrero 24 sa Barangay Pantay, Calaca City, Batangas.
Kinilala ang suspek na si “Banong,” 47 anyos, helper, at residente ng Barangay Lumbang Calzada sa nasabing lungsod. Dinakip siya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 9 sa Balayan, Batangas.
Nahatulan na ng korte ang akusado dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165, partikular sa possession of equipment, instrument, apparatus at iba pang drug paraphernalia sa ilalim ng Article II, Section 12.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya siya ng Calaca Component City Police Station habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagbabalik ng warrant of arrest sa pinagmulan nitong hukuman.
Samantala, muling iginiit ng Batangas Police Provincial Office na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa mga wanted person at titiyaking mananagot sa batas ang sinumang lumalabag dito.