Patay ang isang 41-anyos na tricycle driver matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Anus, San Jose, Batangas, alas-6:20 ng umaga noong March 5.
Kinilala ang biktima na si Wilbert, residente ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat ng San Jose Municipal Police Station, nagmamaneho umano ng motorsiklo ang biktima kasama ang kanyang anak na babae at papunta sana sila sa paaralan nang bigla silang pagbabarilin ng suspek.
Batay sa paunang imbestigasyon, hinihinalang naghihintay ang salarin sa gilid ng kalsada bago biglang pinaputukan ng dalawang beses ang biktima gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Matapos ang insidente, agad na tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Brgy. Lalayat sakay ng isang itim na motorsiklo.
Inilarawan ang suspek bilang nag-iisang lalaki na may katamtamang pangangatawan, nakasuot ng pulang jacket, itim na helmet, at itim na pantalon.
Rumesponde ang mga tauhan ng San Jose MPS matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen bandang alas-7:30 ng umaga.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng dragnet operation ang pulisya upang matukoy at maaresto ang suspek.
Patuloy din ang backtracking ng mga CCTV cameras sa lugar upang matukoy ang eksaktong pangyayari at ang rutang tinahak ng salarin matapos ang pamamaril.
Humingi na rin ng tulong ang pulisya sa Batangas Provincial Forensic Unit para sa technical investigation sa crime scene.
Samantala, nagpapatuloy pa ang follow-up investigation upang malaman ang motibo sa krimen at matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek. | BChannel NEWS