Umaabot sa mahigit 24,000 tricycle drivers sa CALABARZON ang target mabigyan ng tig-5,000 pisong cash relief ngayong April 8, ayon sa DSWD, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo na nakaapekto sa kanilang kita.

Kabilang sa mga lugar na may payout ngayong araw ang Biñan, Laguna na may higit 5,000 benepisyaryo, habang nasa 1,900 drivers sa Bacoor, 1,600 sa Imus, at 1,400 sa Calaca ang inaasahang makakatanggap din ng tulong.
Sa Sta. Rosa, Laguna, nasa 1,500 drivers ang kasalukuyang binibigyan ng assistance, habang nagpapatuloy ang distribusyon sa iba pang lungsod tulad ng Lipa, Tanauan, Sto. Tomas, Lucena, at Antipolo.

Ang mga benepisyaryo ay mula sa mga TODA na nagsumite ng listahan sa kanilang lokal na pamahalaan bilang bahagi ng proseso ng pagtukoy kung sino ang makakatanggap ng ayuda.
Isinasagawa ang payout sa koordinasyon ng DSWD at mga LGU bilang bahagi ng tulong sa sektor ng transportasyon na patuloy na naapektuhan ng mataas na presyo ng langis.