Natagpuan nang wala nang buhay ang isang 2nd year college student sa isang liblib at masukal na bahagi ng Brgy. Fatima, Mamburao, Occidental Mindoro nitong April 8, 2026, ilang araw matapos itong maiulat na nawawala noong April 6.
Kinilala ang biktima na si Cathline Agustin. Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pinaniniwalaang dinala siya ng suspek sa naturang lugar kung saan naganap ang sinasabing panggagahasa at kalaunan ay pagpatay.
Ayon sa mga awtoridad, mismong ang pangunahing suspek ang nagturo sa lokasyon kung saan natagpuan ang katawan ng biktima. Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon.

Tinututukan ngayon ng mga imbestigador ang pagbuo ng kaso, kabilang ang forensic examination at pagkuha ng karagdagang ebidensya, upang matukoy ang buong detalye ng krimen at kung may iba pang posibleng sangkot.
Samantala, patuloy ang panawagan ng pamilya at mga kaibigan ng biktima para sa hustisya.
Inilarawan ng kapatid ang kanyang ate bilang isang masipag na estudyante na may pangarap sa buhay. | BChannel News