Nasabat ng Bureau of Customs ang isang shipment ng undeclared cigarettes sa Port of Batangas na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱235 million.
Ayon sa BOC, nagmula sa United Arab Emirates ang shipment na naglalaman ng humigit-kumulang 637 cases ng MAC brand cigarettes na hindi idineklara sa mga import documents.
Natukoy ang container matapos makatanggap ng intelligence report ang Customs Intelligence and Investigation Service. Nang suriin ang dokumento ng barkong MV EVER CAST, napag-alamang wala sa manifest ang naturang container.
Isinailalim ito sa 100 percent physical examination noong March 5 kung saan nakumpirmang walang kaukulang import permit at hindi awtorisadong importer ang consignee.
Iniimbestigahan na ngayon ang posibleng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act habang tiniyak ng BOC na patuloy nilang paiigtingin ang operasyon laban sa smuggling upang maprotektahan ang kita ng pamahalaan.