Isang self-service payment machine na naglalaman ng halos P95K ang tinangay ng mga magnanakaw sa Brgy. Dalig sa bayan ng Teresa, Rizal.
Ayon sa ulat ng Teresa Municipal Police Station, nangyari ang insidente bandang alas 12:05 ng madaling araw ng March 16 sa Pantay Road.
Batay sa paunang imbestigasyon, dumating umano sa lugar ang ilang hindi pa nakikilalang suspek sakay ng isang pulang MPV na walang plaka.
Diretso umanong tinungo ng mga suspek ang machine at puwersahang kinuha bago mabilis na tumakas.
Bandang tanghali ng parehong araw nang i-report ng field technician na si Mark, 34 anyos, sa pulisya ang nangyaring insidente.
Sa isinagawang imbestigasyon, natagpuan ang machine na wasak na at wala nang laman sa Sitio Canlibot, Brgy. Bagumbayan, Teresa, Rizal, na tinatayang isang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng dragnet operation ang pulisya sa mga kalapit na lugar habang patuloy ang CCTV backtracking at paghahanap ng mga posibleng saksi upang makilala ang mga suspek. | BChannel NEWS