Arestado ang tinaguriang Rank 1 Most Wanted sa CALABARZON na may kasong 5 counts of Rape at Acts of Lasciviousness dakong 9:12 ng umaga nitong araw ng Miyerkules, Enero 19, 2022 sa Brgy. Namuco, Rosario, Batangas.
Ayon sa ulat ni PCOL GLICERIO C CANSILAO, Provincial Director, kay PBGEN ELISEO DC CRUZ, Regional Director 4A, naaresto ng pinagsamang pwersa ng kapulisan ng Rosario Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit-BPPO, at Regional Intelligence Unit 4A-Provincial Intelligence Team ang suspek.
Kinilala ang suspek bilang si Christian Jon Paul Tayhopon alyas “Christian Tayhopon” 30-anyos, binata, isang helper/butcher, tubong Obando, Bulacan at kasalukuyang naninirahan sa Noble Subdivision, Barangay Namuco, Rosario, Batangas.
Nahuli ang suspek sa nabanggit na lugar sa bisa ng dalawang magkaibang Warrant of Arrests na inilabas noong Disyembre 22 at 23 taong 2021 mula sa Regional Trial Court Branch 261, Pasig City.
Nangyari ang insidente ng panggagahasa sa isang 12-taong gulang na batang babae noong Enero 2019. Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Rosario Municipal Police Station ang akusado para sa kaukulang disposisyon. | Batangas PNP PIO