Bali ang buto ni MOCHA Party-list first nominee Mocha Uson matapos maaksidente sa motorsiklo habang nangangampanya sa Bataan noong nakaraang Biyernes.
Sa kanyang Facebook post noong Pebrero 28, inilarawan niya ang aksidente na isang pangyayari na kinatatakutan ng kanyang ina.
“Naaksidente ako sa pagmomotor noong Biyernes sa Bataan. Buti nalang po ako ay naka-safety gears dahil kung hindi ay siguradong labnos ang tuhod ko at braso. Kung hindi ako naka-riding boots siguradong bali ang paa ko,” kwento ni Mocha.
“Ngunit dahil sa lakas ng impact ng pagbagsak at pagsadsad ko at ng aking motor ay na-fracture ang aking clavicle o collarbone. Kakailanganin itong operahan at pagdikitin gamit ang implants dahil napakalayo ng agwat ng pagkakaputol ng buto,” dugtong pa niya.
“Hirap din po akong makalakad dahil namamaga at napuno ng dugo ang aking tuhod. Dadaan pa po tayo sa iba’t ibang exam para malaman ang iba pang damage sa aking katawan,” dagdag pa ni Mocha.
Humiling naman si Mocha ng dasal para sa kanyang operasyon. Nagpasalamat din siya sa kanyang mga taga-suporta.