Tatlong lalaki ang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group sa isinagawang operasyon kontra umano sa iligal na “paihi” o unauthorized transfer ng petroleum products sa Brgy. San Pedro, Bauan, Batangas madaling araw ng May 7.
Ayon sa CIDG Batangas, nahuli ang mga suspek habang umano’y nagsasalin ng produktong petrolyo mula sa tanker truck papunta sa mga lalagyan tulad ng IBC tanks at drums nang walang kaukulang awtoridad mula sa Department of Energy.
Nasamsam sa operasyon ang isang tanker truck na may tinatayang 20,000 liters ng petroleum products, anim na IBC containers na may diesel, ilang drum ng unleaded gasoline, at iba pang kagamitan na pinaniniwalaang ginagamit sa operasyon, na may kabuuang halagang mahigit P5.5 milyon.
Batay sa umiiral na batas, ipinagbabawal ang bentahan o distribusyon ng petroleum products nang walang permit mula sa tamang ahensya.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso habang inihahanda ang kaukulang reklamo laban sa mga naaresto. Ayon sa CIDG, bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na kalakalan ng produktong petrolyo sa bansa.