Posibleng mas maraming Filipino nurses ang makapagtrabaho sa Italy matapos ihayag ng mga opisyal doon ang pangangailangan ng bansa sa tinatayang 15,000 hanggang 20,000 nurses.
Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Rome, pinag-usapan ng Philippine at Italian officials ang posibleng labor agreement para gawing mas maayos at organisado ang recruitment ng mga Pinoy healthcare workers.
Gayunman, nilinaw ng Italy na kailangan pa ring makumpleto ng applicants ang requirements gaya ng nursing degree, professional registration, credential recognition, at Italian language proficiency.
Samantala, pinalawig din ng Italy hanggang 2029 ang kontrata ng mga Filipino nurses na kasalukuyang nagtatrabaho roon mula sa dating 2027 expiration.
Layunin ng usapan na tugunan ang kakulangan sa nurses ng Italy habang pinoprotektahan din ang kapakanan at trabaho ng mga Pilipinong healthcare professional.