Pinagtataga ang isang negosyanteng lalaki ng kanyang trabahador matapos patayan ito ng electric fan habang natutulog nitong Linggo dakong alas 11:00 ng umaga sa Talisay City, Cebu.
Kinilala ang biktimang si Nomiriano Lastimosa, Jr. alyas Boss Jing, 54.
Sa report ng Talisay Police Station, naganap ang krimen sa may kubo na pag-aari ng biktima sa nabanggit na lugar. Natutulog umano ang suspek sa may kubo ng biglang dumating ang kanyang amo (biktima) at pinatayan siya ng electric fan. Dahil sa sobrang init ng panahon, nagising ang suspek at naalimpungatan ito ng makita ang biktima ay agad siyang kumuha ng itak saka pinagtataga sa tiyan at sinaksak naman sa iba pang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran kamatayan ng biktima.
Ayon sa pulisya, may galit ang biktima sa suspek dahil ang mga alagang nitong isda tulad ng koi ay namatay dahil sa nawalan ng hangin.
Nabatid, na ang trabaho ng suspek ay taga alaga ng mga baboy at mga isda ng biktima.
Ayon pa sa ulat, sinabi ng suspek na mainit ang ulo sa kanyang amo at hindi rin ibinigay nito ang sahod dahil pinababayaran sa kanya ng P12,000.00 ang mga isdang namatay.
Agad naman sumuko sa pulisya ang suspek at kasambahay na kinilalang si Geeiven Urbano, alyas Iben, 37, at taga Barangay Talamban, Cebu.
Nahaharap ngayon sa kasong murder ang suspek.