Isang lalaki ang sinunog sa loob ng kanyang sasakyan makaraang barilin at sunugin ng hindi pa kilalang suspek, sa Roxas City, Capiz nitong Linggo.
Sa ulat ng Roxas City Police Station, natagpuan ang SUV na may plate number XAM 778, na nasusunog ang katawan ng isang lalaki sa bahagi ng Mabini at Mejorada Sts, Barangay Inzo Arnaldo Village, Roxas City.
Batay sa ulat ng kagawad doon, nakarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril sa nasabing lugar kaya dali-dali niya itong tinungo para alamin at dito na niya nasaksihan na nagliliyab ang sasakyan habang nasa loob ang biktima.
Sa pagresponde ng pulisya, naabutan na nilang sunog na sunog ang mukha at katawan ng biktima.
Sa ngayon hinihintay na lamang ang resulta ng gagawin post mortem examination sa bangkay ng biktima para matukoy ang tunay nitong pagkakakilanlan.
Sa ngayon patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.