fbpx

BANGGAAN NG DALAWANG MOTORSIKLO SA SAN PASCUAL, BATANGAS; ISA PATAY, ISA SUGATAN

Patay ang angkas samantalang sugatan naman ang isang rider matapos makabanggan ang di pa nakikilalang motorista at backrider bandang alas-7:30 ng gabi noong Martes sa Bypass Road ng Brgy. Palsahingin, San Pascual, Batangas.

Kinilala ang namatay na biktima na si John Lloyd Comia, 21 taong gulang na residente ng Brgy. San Mariano, San Pascual, Batangas, samantalang sugatan naman si Honeyval Gunio, 31 taong gulang na residente naman ng Brgy. Natunuan South, San Pascual, Batangas.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng San Pascual Police, papuntang Batangas City ang mga biktima nang walang ano-ano ay biglang makabanggaan ng mga ito ang mga suspek na binabaybay rin ang kaparehas na direksyon, dahil dito parehas sumemplang ang dalawang motor.

Nagtamo ng head injury ang biktimang back rider at agarang dinala sa ospital ngunit idineklara rin itong dead on arrival samantalang nagtamo naman ng pinsala sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktimang rider na agad rin namang isinugod sa ospital, agad namang tumakas ang nakabanggang motorista at angkas nito papuntang Batangas City.

Ayon naman sa doktor para sa nakaligtas na biktima, lasing umano ito nang mangyari ang naturang insidente, nakikipag-ugnayan naman ang mga awtoridad sa mga kalapit na ospital sakaling magpagamot ang mga suspek at patuloy pa rin ang imbestigasyon sa naturang insidente. | J. Atienza,BChannel News

About Author