Patay ang dalawang tripulante habang isa ang kritikal sa ospital makaraang masunog ang isang motor tanker vessel habang nakadaong sa Batangas port nitong Linggo ng umaga.
Sa ulat ng Coast Guard Batangas, nangyari ang pagkasunog ng Motor Tanker Sea Horse sa Alpha Anchorage Area, sa Batangas.
Dahil sa insidente agad nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Coast Guard Station Batangas kasama ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at Batangas City Disaster Risk Reduction Management Office.
Ayon sa Coast Guard Sub Station Batangas City, dalawang tripulante ng barko ang kumpirmadong patay habang ang isa ay malubhang nasugatan. Dalawa naman ang nawawala at patuloy na pinaghahanap.
Bandang alas-11 ng umaga idineklara na fireout ang naturang sunog.
Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang madetermina ang pinagmulan ng sunog.
Samantala, nakabantay na rin ang Marine Environmental Protection Group-Batangas dahil sa posibilidad na magkaroon ng oil spill.