Patay ang isang 51-anyos na lalaki matapos umanong sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang SUV sa Barangay Dayap-Itaas Laurel Batangas nitong Linggo ng hapon.
Kinilala ang nasawing rider na si Gilbert Felito Romuar, habang ang driver naman ng SUV ay si Ghian Carlo Ignacio, 37-anyos.
Ayon sa report ng imbestigador na si Laurel Police Cpl. Delos Reyes, ang ipinarating sa kanila ng Alfonso Cavite MPS, habang ang SUV na sasakyan ay nasa traffic ay sumalpok umano ang naturang motorsiklo.
Nadala pa ang rider ng rescue team sa De La Salle Dr. Rodolfo Poblete Memorial Hospital Alfonso Cavite subalit idineklarang itong dead on arrival.
Sa pagtungo ng Laurel police sa insidente, nangalap naman ang pulisya ng iba pang ebidensya gaya ng CCTV footage sa pinangyarihan subalit wala silang natagpuan.
Ayon naman sa police report, nagkasundo naman ang dalawang panig na i-settle ang kaso matapos mangako ang driver na magbibigay ito ng tulong pinansyal sa pamilya ng biktima.
Bagamat wala pang final settlement ay patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.